Kinatha ni Tans de Guzman (Humane Batch ’74)
Mula sa kanyang FB Notes noong Setyembre 15, 2011
Sabi ko kay Pilar, siya na lamang ang pumasok sa Grace Department Store at maghihintay na lang ako sa labas. Mabanas sa loob ng department store dahil sa walang aircon at ang magaralgal na ingay ng mga bentilador na nakadikit sa pader na kayang bilangin ng mga daliri sa isang kamay ay hindi sapat para palisin ang namuo at nakulong na init sa loob . Sa hanay ng mga tila kabuting nagsulputang supermarkets at town mall sa Los Baños, ang Grace ang isa sa mga napag-iwanan na ng panahon! Bukod sa walang aircon ay may kadiliman pa. Ayon kay Pilar, mura ang ilang bilihin dito at ito marahil ang dahilan kung bakit sa kabila ng inabutan ko pa ito noong dekada 70 noong ako’y bagong saltang estudyante sa UPCA ay hindi pa nagsasara hanggang ngayon ang tindahan.
Sa gilid ng pasukan ng supermarket ko naisipang magpalipas ng oras. Walang atubiling sumalampak ako sa sementadong sahig na pasukan ng supermarket na isang dangkal ang angat sa lupa. Gaano kaya katagal si Pilar sa loob? Sa ganitong pagkakataon, nanghihinayang ako’t di man lang ako nakagdala ng kahit na anong babasahin. Sa mga ganito ring pagkakataon, sa kawalang magawa, nililibang ko ang aking sarili sa pagmamasid ng mga taong dumaraan. Napukaw ng paningin ko ang dalawang paslit na patungo sa tinderang naglalako ng palamig. Sa damit pa lang, alam mong sila’y buong araw na laman ng lansangan. Di ko mawari kung sila ay magkapatid or magkaibigan lamang. Pareho silang yayat – ang isa’y mas matangkad at mukhang nakatatanda habang ang kasama’y may maamong mukha, naka-semikal, may nakadikit na band aid sa halos panot na ulo sa likuran ng kaliwang tainga. Madalas pinapalis ng bata ang isa o dalawang langaw na makulit na dumadapo dito.
Dumukot ng baryang limang piso sa bulsa ng nanggigitatang niyang short ang mas matangkad na bata, iniabot sa tindera at may ngiting nagsabi, “Isang buko juice, ale”. Nasilayan ko rin ang kislap sa bilugang mata ng nakababatang paslit at halos makipag-agawan sa kasama sa pagsambot ng plastic na may lamang buko juice na inaabot ng tindera.
“Pengi rin ho ng extrang straw,” hiling ng mas bata sa tindera.
Anyong isisilid nito sa plastic na lalagyan ng buko juice ang straw nang biglang tabigin siya ng matandang kasama, “Sa akin lang ‘to, no!”
Pilit inaagaw ng mas maliit ang buko juice, nguni’t wala siyang panama sa liksi at lakas ng kasama. “Pahingi naman…” halos pasumamo nitong sabi.
Sa pagpupumilit nitong agawin ang juice, tuluyan na siyang tinulak ng kasama, na naging sanhi ng kanyang pagkakadapa sa kalsada. Isang malakas na hagulgol ang narinig ko sa paslit. Ngisi lang ang isinukli ng maramot na nakatatanda, na dali-dali ring inubos ang buko juice.
Sa ganoong pagkakataon, wala sa isip, tinawag ko ang umiiyak na bata. Dumukot ako ng limang pisong barya sa bulsa at iniabot sa bata, “O, heto at bumili ka ng sarili mong buko juice”.
Walang gatol na kinuha ng paslit ang barya at sabay takbo sa tindera ng palamig. Habang bumubili ng juice, napalingon sa akin ang bata at ang pasasalamat na isinukli ay isang abot-taingang ngiti sa kanyang mga labi. Sa gayong punto nilapitan siya ng madamot na kasama
Malayo na ang dalawa nguni’t tanaw ko pa ring nagsusumamo ang nagmaramot sa nakababata para makahigop muli ng malamig na buko juice. Narito ang pagkakataong gumanti! Iniiilag ang kamay na may tangang plastic bag sa tuwing tatankaing abutin ng nakatatanda ang buko juice.
Sa maikling sinaryo na ito, pilit kong dinama ang naging hakbang ko sa pangyayari. Ano nga ba ang halaga ng ibinigay kong limang piso para maputol ang kawing-kawing na kahirapang nagbibigay daan sa karamutan at karahasang sinisimulan sa mga palaboy ng lansangan? Sa halip na mapatid, baka lalong tumibay ang lubid na tumatali sa kanilang karukhaan. Payo nga ng DSWD, huwag daw magbigay ng limos para hindi mamihasa. Nguni’t di ko alam kung masasabi bang limos ang ibinigay ko, gayong hindi naman nanglilimos ang paslit. Gusto ko lang bang turuan ng leksiyon ang mga mararamot at ganid sa mundo? O ako ba’y tulad ng isang pangkaraniwang Pinoy na sumisimpatiya sa mga lugmok na askal ng lipunan? Naroon din ang pagngingitngit sa kawalang-silbi ng bagong pamahalaan sa pangakong “matuwid na daan”. Mukhang hindi problema ang matuwid, kung hindi kung saan patungo ang daan . . .
Sa ganitong pagmumuni-muni narinig ko ang tawag ni Pilar sa aking likuran, “Tena, OK na ko.” Hindi siya magkanda-ugaga sa limang mabibintog na laman ng sando bag na pinamili.
Bago tuluyang maglaho sa paningin ko ang dalawang musmos, napangiti ako. Nakita kong iniabot ng may maamong mukha ang natitira pang buko juice sa kanyang kasama.
Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin
Leave A Comment