Kinatha ni Milagros “Mila” O. Pasion (JAM ’07)
This piece is included in the 50th Anniversary souvenir program.
Si Mila ay nagtapos ng kursong forestry sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Siya ay kasalukuyan nagtratrabaho sa National Irrigation Authority, Quezon City bilang isang Environmental Analyst.
Isang araw, may napulot akong papel.
Nakasulat doon na may matatagpuan daw akong kaibigan. Kinakailangan ko raw sumakay para matagpuan ko ito. Umuwi agad ako ng dorm dahil baka naroon ang kaibigang tinutukoy sa papel. Sumilip ako sa bintana at nakita ko ang mataas na puno, narinig ang huni ng mga ibon at insekto na tila umaawit sa isang musikang hindi ko maintindihan. Lumabas ulit ako at sinalubong ng madilim na kagubatan. Sa takot kong makain ng mababagsik na nilalang, umakyat ako sa isang punong mayroon lamang dalawang sanga na may tig-labintatlong dahon. Pagdating ko sa tuktok, natanaw ko ang bughaw na karagatan at sa isang kisapmata, naramdaman ko sa aking mga paa ang mga alon. Sumakay ako sa isang bangka sa pagaakalang naroon ang aking bagong kaibigan, subali’t walang tao ni isa man. Gabi na nang makauwi ako at sa pagtanaw ko sa kalangitan, nakita ko ang isang maliwanag na bituin. Sumakay ako sa isang lobo at pinuntahan ito subali’t bigo pa rin akong matagpuan ang aking kaibigan.
Mula roon, tanaw na tanaw ko ang bilog na daigdig. Napakaganda nito! Naisip kong bumalik na at nagpalundag-lundag sa kulay puting ulap. Pagbagsak ko sa kalupaan, bumulaga sa harapan ko ang isang pamilyar na rebulto subali’t nakita kong may mga tinik ito sa kanyang mga paa at nakaukit na numerong 1-9-6-2. Tinanong ko siya kung siya na nga ba ang kaibigang tinutukoy sa papel, nguni’t hindi siya sumasagot. Nalungkot ako at nanlumo. Sa layo nang nilakbay ko, hindi ko natagpuan ang bago kong kaibigan. Nagsimula akong lumakad palayo, subali’t may narinig akong hagikgikan sa likod ng rebulto. Sumilip ako at natagpuan ng aking mga mata ang kumpul ng mga tao, tila nagkakasiyahan, may naglalaro at nag-aawitan. Bawa’t isa ay may tatak sa katawan ng mga letrang U-P-V-A-R-R-O-N-S-L-T-D. Nagdalawang isip akong lumapit, subali’t lumapit sila nang matanaw ako. Sinabi nilang ako raw ang hinahanap nilang bagong kaibigan. Sa isip-isip ko, akala ko ako ang naghahanap, subali’t ako pala ang hinahanap. Hindi pala para sa akin ang papel. Inabot nila ang kanilang mga kamay at sabay-sabay na nagtungo sa kasiyahan.
Walang anu’t ano, nagising ako. Mukhang napahaba ang tulog ko, ah. Napangiti ako. Makapagbihis na nga! Mamaya, makikita ko na ang mga Vrods and Sisses ko.
Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin
Leave A Comment