Ryan Paradero

Ryan

Kinatha, isinaayos, at kinanta ni Ryan Paradero (SWC ’00). Si Ryan ay nagtapos ng Forestry sa UP Los Baños. Siya ay kasalukuyang isang Financial Service Representative sa E*Trade Financial sa Metro Manila.

Ang ibang kinatha ni Ryan ay puwedeng mapakinggan; paki-click lamang ang pahina-link ng Tudla.


pagdungaw sa bintanaI
Sa pagdungaw ko sa bintana
Luntiang paligid agad nakita
Simoy ng hangin dumampi sa katauhan
aking naapuhap ganda ng kasibulan

II
Sa pagdungaw ko sa bintana
Tinig ng paligid wari’y musika
Natanaw ko ang pisngi ng langit
Kaningningan niya lubhang mapang-akit

Pre chorus:
Nakangiting kalikasan sa aking mga mata
Kalinangan niyang taglay hindi sapantaha

CHORUS:
Kasibulan ng magandang kaisipan
ang dapat nating pasimulan
ang malusog na likas yaman
ay karapat dapat kaninuman

Kasibulan ng magandang kaisipan
Kailangan nating pag-ukulan
Upang itong ating likas yaman
Mapagyaman at mapakinabangan

III
Sa pagdungaw ko sa bintana
Bakit basura na ang nakikita?
Simoy ng hangin bakit ganito?
at ating kabundukan animo’y naglaho

IV
Sa pagdungaw ko sa bintana
Tinig ng paligid ibang-iba na
Natanaw ko pa sa mahabang ilog
Isang bata may basurang inihuhulog

pre chorus:
Balisang kalikasan sa aking mga mata
Kalinangan niyang taglay lubhang kaawa-awa

CHORUS:
Kasibulan ng magandang kaisipan
dapat na nating pasimulan
Buhayin ang likas yaman
pagsagip ng buhay ating samahan

Kasibulan ng magandang kaisipan
Nararapat lamang pag-ukulan
Naghihingalong kapaligiran natin
Bakit hindi natin pagalingin?

V
Sa pagdungaw ko sa bintana
may natitira pa sanang pag-asa
Sa pagdungaw ko sa bintana
Luntiang paligid makita pa sana

sana…

Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin