Masaya talaga maging miyembro ng org natin. Kahit medyo kapos sa pera, nakakaraos din ang mga events, karaniwan na ang finals. Sinong makakalimot sa walang kamatayang ulam natin tuwing finals? Mongo at tuyo, paminsan minsan galunggong, na ilalagay natin sa dahon ng saging at tsaka tayo magsasalu-salo (sarap). Minsan nag-aagawan pa ng tuyo at nagtatago ng galunggong sa ilalim ng kanin. Ugali yan ni Vrod Joseph Codilan na namana ko na rin kalaunan. Naalala ko rin yung mga panahon na kumakain kami sa canteen sa Mareha na pagsasaluhan yung isang ulam, mabuti mabait yung babae dun (parang Ate Tess yata ang pangalan niya, di ko lang sure). Pero mabait yun, yung mga sabaw ng iba’t-ibang ulam eh pinasasabaw namin sa kanin.

[/fusion_builder_column]
Varrons Basketball

Varrons Basketball

Isa pa sa hindi ko makakalimutan ay ang mga alumni natin na lagi nandyan para suporthan ang mga undergrads. Isa na si Sis Mutya (Manalo). Di ka magdadalawang sabi sa kanya na kung pwede siya kuning guarantor sa SLB, pipirma lang yan at nakangiti pa lagi. Paborito ko yan sa mga prof na babae sa Forestry. Ganun din sina Vrod Art, Nestor at marami pang iba. Yung adviser ko sa college napakabait din. Sino ang mag-aakala na sis din siya, si Sis Stella (Castillo) lang naman, kaya ramdam ko safe na safe ako eh. Napakamasayahin din niyang si sis, nakakahawa ang tawa niya. Sang-ayon naman kayo diba?

Di ko makakalimutan ang napagaling sa larangan ng DAHON. Sino pa kung di si Vrod Dodon; nakakabilib itong tao na ito, ang galling at napakasipag. Malimit yan dumaan sa tambayan sa court at bibigyan pa kami pang merienda; magagalit pa siya pag tumanggi kami. Masaya lang daw siya na makita yung mga Vrod and sisses na nagkakasayahan. Pamilya rin kasi ang turing niya sa Varrons. Isa siya sa mga idolo ko sa ating org (siyempre si Vrod More pa rin ang pinaka).

Halos buong panahon ko sa elbi ay kasama ako parati sa mga lakad at activities ng Varrons. Alam ko marami naiingayan sa akin, marami rin naguguluhan kasi ang gaslaw ko. Natatandaan ko na parati ako’ng napapagalitan sa mga meeting dahil sa kaingayan ko. Pero alam ko mahal naman ako ng mga vrods at sisses kasi sa mga panahon na kailangan ko, lagi may tumutulong sa akin. Yung mga block mates ko na batchmates ko rin sa varrons, lagi rin nakaalalay sakin. Halos lahat ng mga klaseng tulong eh naramdaman ko at nakita sa Varrons. Mayrong tatay figure, may nanay, may ate, may bunso at kung anu-ano pa sa loob ng org, para talagang pamilya, para talagang nasa bahay ka lang. May mga awayan din, di naman maiiwasan, may mga malulungkot ding araw. Pero sa pangkalahatan, napakasaya sa atin. Kaya nga marami naiinggit sa atin di ba?

Magaling mag-basketball si Vrod William (Esguerra); MVP siya noong time naming. Pero marami din magaling sa alumni — ang mabilis na si Vrod More, ang walang kupas na Mr. Hotshot (Vrod Nestor Manalo) na napagaling sa shooting. Nandyan din ang mga beteranong galaw ni Vrod Pat. Hindi nga ba at lagi tayong pinaghahandaan ng ibang org pag may GIMKHANA. Siyempre competitive tayo. Kahit noon pa man.

Pero ang isa sa mga nagustuhan ko sa org natin ay ang kagustuhan nating tumulong sa kapwa. Di natin makakalimutan ang mga outreach program na ginawa natin sa mga ibat-ibang lugar. Masayang makihalubilo sa mga tao lalo na yung makatulong sa kanila kahit sa maliit na paraan. Kahi’t alam natin na kulang tayo sa pondo sa mga panahong yun, nairaos pa rin natin sa pagtutulungan, lalo na sa mga tulong ng mga alumni natin. Tumutulong din tayo sa mga ibang estudyante kahit di natin miyembro; may mga review sessions na ginagawa natin sa mga mahihirap na subjects. Marami akong naipasang exam dahil sa tulong ng mga vrods at sisses. Sobrang mararamdaman mo na gusto talaga nila na tulungan ka.

Hindi nagtagal natapos ang araw ko sa UP at lumipat ako sa Lucban, Quezon para ipagpatuloy ko ang BS ko. Kahit malayo, pumupunta pa rin naman ako sa elbi. Tatlong taon ang ginugol ko sa SLSU at marami pa rin akong tulong na nakukuha mula sa org. Nandyan ang tulong para sa mga exams, projects at thesis. Masaya rin sa SLPC kasi kasama ko rin dun ang iba nating vrods na magagaling din — sina Vrods Ace (Angulo), Emon (Amido) at mga prof na sina sis Amy (Almasol) at vrod Ben (Garcia). So kahit papaano me pamilya pa rin ako doon.

Pero eto ang pinamalaking bagay na nakuha ko na naitulong ng Varrons. Pagkatapos kong maka-graduate at habang naghahanda para sa board exam, sobrang kabado ako. Kasi wala akong pambayad sa review at mukhang exclusive ang review sa elbi para sa mga graduates nila. Pero nakakatuwang isipin at makita na yung mga vrods at sisses ay napakamatulungin. Sila mismo ang pumupunta sayo para review-hin ka; isa na diyan si Vrod Deo, halos araw araw dumadaan para mag-review kami. Yung iba naman mga vrod at sisses ay nagpapahiram ng mga nakuha nilang review materials sa review nila sa UP. Dahil doon, sobra ako’ng na-inspire; hindi ko sinayang ang mga tulong na binigay nila at ganun din ng iba ko pang mga kaibigan dahil yun lang ang kaya kong ibigay at isukli sa kanila. Maiksi ang panahon sa review; halos tatlong lingo lang.

Hindi nagtagal, sumapit ang araw ng exam. Mahirap at nakakakaba. Kasi ayokong biguin ang mga tumulong sa akin; ayokong biguin higit sa lahat ang pamilya ko na malaki ang inaasahan sa akin. Mahirap lang kami at walang wala noon. Ipinangutang pa nga ng nanay ko ang pambayad sa board exam ko, as in walang wala kami. Alam kong magiging masaya sila pag nagtagumpay ako. Wala akong ibang hangad noon, kahit pasang awa lang, ang mahalaga maipasa ko yun. Nagdasal ako ng mabuti talaga. Taimtim at seryoso.

Dumating ang araw ng paghuhukom, lumabas ang resulta sa diyaryo.Nagdadalawang isip ako na bumili ng diyaryo pero di ko rin matiis na di malaman. Bumili ako at agad kong hinanap ang pahina kung saan nakalagay ang mga pangalan ng mga pumasa. Sa unang pagtingin ko, wala ang pangalan ko. Di ko kaagad nakita ang pangalan ko, dala na rin ng kaba. Nalungkot ako sa pag-aakala na di ako nakapasa.

Naisipan kong tingnan na lang ang mga topnotchers, baka mga vrods at sis yung nandun, inuna ko sa baba pataas, laking gulat ko nakita ko ang pangalan ni Vrod Emon (Amido), no.8 siya. Nakakatuwa. Tapos si Vrod Bho (Johnber Castillo) ay no.7. Pero ang ikinagulat ko ng sobra nang nakita ko ang pangalan ko doon, di ako makapaniwala — PARADERO, RYAN BERMEJO 85.55 number 5. Natahimik ako at napaluha sa saya.

Hindi ako makapaniwala talaga. Agad ako’ng nagtext sa mga prof ko at nagpasalamat. Nagpunta din ako sa simbahan at nagdasal ng todo. Nag-text din ako sa ibang vrod at sis. Napakasaya ng araw na yun. Umuwi ako sa amin at ibinalita ko sa tatay at nanay ko. Masaya sila pero malungkot na sinabi na “pasensiya ka na anak ha kasi wala tayo panghanda eh”. Kasi nangako siya sakin na maghahanda kami pag nakapasa ako. Pero sabi ko wala yun ang mahalaga pasa na ko at matutulungan ko na sila.

Top 5 ako sa board pero di ito ang mahalaga sa akin, di ko naman magagamit masyado yan sa trabaho ko, at makakalimutan din yan ng mga tao. Ang mahalaga sa akin ay kahit papaano nasuklian ko ang mga tulong sa akin, at isa na dun ang Varrons. Malaki ang part ng org sa pagkatao ko, natututo ako na maging matibay, maabilidad at masayahin sa kabila ng problema. Ang Varrons ang naging pamilya ko sa labas ng aming tahanan, ang naging kapatid ko, kasama ko sa mga problema ko.

Kahit saan ako mapunta, lagi ko ipinagmamalaki na Varrons ako, sa mga interview na napagdaanan ko, lagi ko naisisingit yun, lalo na pag itinanong nila kung anong meron ako na wala sa ibang applicants, parati kong sinasabi, “I have a well rounded personality and I can do a lot of things with great quality, I was trained and developed by the people in my organization, this characteristic is eaned through hardwork with the help of good people around you.” Marami sa mga interviews ko ang nagtatagal ang usapan kapag inopen ko na yun, dahil maraming kwentong kaakibat ang Varrons. Isang kawiliwiling usapan.

Sa panahon ngayon, napakadalang kong magpunta sa mga events ng Varrons dahil abala na rin ako sa trabaho ko ngayon, patuloy kong ginagamit sa trabaho ko ang mga natutunan ko sa ating org. Masaya ako dahil may paraan para makausap ko kayo at maibahagi ang mga saloobin at nararamdaman ko sa pamamagitan ng ating website at yahoogroup. Kapag may natapos akong mga likha o kanta, ibinabahagi ko sa inyo, at sana kahit papano ay natutuwa kayo at nakakatulong para ma-inspire ang iba sa kahit napakaliit na paraan.

Tunay ngang masaya na maging bahagi ng ating organisasyon, marami tayong magiging kaibigan at kasama, marami tayong matututunan, marami tayong matutulungan at higit sa lahat marami tayong maaalalang magaganda at masayang mga bagay na madadala natin hanggang pagtanda natin.

Mabuhay ang ating mahal na organisasyong UP Varrons Ltd, mabuhay tayong lahat. Salamat sa matiyagang pagbabasa. Ad Astra Per Aspera!

[/fusion_builder_row][/fusion_builder_container]

Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin