ni Ryan “Boter” Paradero (SWC ’00)
Sariwa pa sa aking ala-ala ang unang araw ko sa CFNR-UPLB. Napakaaga kong gumising ng araw na yun, dahil na rin sa panggigising ng aking nanay. Sa bayan ng Pila pa kasi ako manggagaling. Dumating ako sa Forestry ng mga 6:30 ng umaga. Marami na ring mga ibang estudyanteng nag-aabang, mga mukhang bagong salta din. Nagmasid-masid lang ako, na karaniwang ginagawa ng isang tao sa isang lugar na bago sa kanya. Isa sa mga una kong napansin ay ang isang grupo ng maingay at malalakas na boses. Natanong ko kaagad sa sarili ko “Sino kaya yung mga yun?” hanggang sa tinawag na kaming lahat na mga freshmen para sa orientation. Masaya naman ang orientation, wala masyadong kj at halos lahat ay game sa mga activities. Tanda ko pa nga kami yung pinakamagulo, Block D ako, sa mga time na ito nauuso yung salitang “JOLOGZ,” kaya ang cheer naming e “Bloc d (4 palakpak na malakas) jologz.” Di alam ng mga ka block namin kung ano yun, di ko rin alam yun, pero idea kasi eto ni Jonald Revilleza na isa rin nating vrod.
Natapos ang orientation, lumabas ako sa auditorium at deretso sa FBS building. Napansin ko, nandun pa rin yung grupo kanina, aba at mas marami na sila ngayon, mas malakas din ang usapan at tawanan. Naisip ko at naitanong bakit sila ganun, parang magkakapatid lang na nagkukulitan? Hanggang umalis na sila dun sa may hagdanan at naiwan kaming blockmates na tahimik na nag-uusa; nahihiya pa kasi kami.
Kinabukasan, nandun ulit sa may labasan, nakatambay ulit sila; napansin ko rin na pag tapos nila pumunta dun, pumapasok sila sa loob ng FBS tapos tumatambay din sila sa may parang board, pero di sila masyado maingay dito, siguro dahil may mga nagkaklase. Napansin ko rin na nasa lugar naman pala ang pagiging magulo nila. Lumipas pa ang mga araw ko sa kolehiyo, palagi ko pa rin sila nakikita, masaya, makulit at magulo.
Isang araw may mga nakilala ako mula sa grupo. Ang mga nakilala ko (base sa memorya ko) ay sina Sis Joly, Ate Ghea, Vrod Rolly (Uriza), sis Jane at Vrod Deo (Palacpac); di ko maalala yung iba. Mababait sila noong una at sobrang approachable, as in aalagaan ka (abangan mamaya kung ano mangyayari). Nalaman ko rin na UP Varrons Ltd ang pngalan ng grupo nila. Ganun pa rin araw araw nakikita ko sila; mas marami na akong nakilala — sina sis Ivy, Janina at CJ, sila Vrod Joseph (Codilan), Jesie, Noel at Jovi (Elec), mababait din sila. Nakikipagkwentuhan sila sa amin tapos pag may dumating na iba, ipapakilala nila kami (mga blockmates ko).
Dumating ang isang araw, ininvite kami sa orientation ng Varrons. Siyempre sumama kami, kasi close naman na naming yung ibang members at may libreng meryenda na naisip ko sayang naman, wala naman mawawala sa akin. Samakatuwid, pumunta ako. Ang unang nagsalita ay ang isang Vrod na propesor (di ko sure kung si Vrod Art Castillo or si Vrod Nestor Manalo); may mga sumunod pa na mga nagsalita. Unti unting ipinakilala yung Varrons as an organization. Hanggang sa dumating yung time na magtatanong na sila kung sasali ka o sasali ka — parang walang way na tumanggi ata. Siyempre di ako nakaalis agad dahil mautak sila, di nila agad ibinigay ang libreng meryenda. Ayun, nagtagumpay sila; marami sa amin ang napa-OO. Akala nila nakaswerte na sila sa akin; di nila alam na magiging sakit rin nila ako sa ulo (sa mga ibang bagay).
Dito ko na mas nakilala ang mga miyembro; nagsimula ang pagrereport. May mga mabait at maluwag na konting pagpapakilala at salitaan, pipirmahan na agad ang tickler. May mga matatagal magpareport (as in matagal) kasama dito sila Sis Mydz (Domingo) as in lugaw ako sa dami ng sinabi. Isa pa si Vrod Rolly (Uriza) na mahaba din ang sinabi. Di ko makakalimutan yung pinagawa niya sakin. Pinatakbo niya ako sa oval sa freedom park ng 4 na beses. Ako naman siyempre tumakbo; hihingal-hingal ako pagbalik sa kanya sabay tanong nya na “bakit ka tumakbo? makatao ba pinagawa ko sayo?” Makatao? anak ng … inutusan mo ko eh, sabi-sabi ko sa sarili ko. Well, marami ako natutunan dun sa pinagawa nya. Kaya naman isa sa paborito ko yan si Vrod Rolly (pangalawa kay Vrod More).
Di nagtagal, marami ako napagreportan, marami ako nakilala, ibat-ibang klase ng ugali ng miyembro. Nakilala ko rin ang mga Prof na varrons na dalawa sa kanila eh naibagsak ako sa subjects ko … at mag-asawa pa sila. Opo, dahil first sem ako sumali, may mga sumabit akong subjects. Pero eto din yung naging dahilan kung bakit natuto ako mag-aral ng tama.
Balik sa reporting, natapos na ang reporting, finals night na. Sa Pansol nga pala naganap ang finals night.Nakalimutan kong sabihin kung sino ninong at ninang ko. Si Vrod Deo (Palacpac) ay pinili ko siya kasi mukha siyang malalim at mapagkakatiwalaan. Si Sis AnaV, pinili ko naman siya kasi nung tinanong ako kung sino gusto ko maging ninang pag ikot ng tingin ko sa room siya lang ata nakita kong nakangiti (wala yata gusto na magninang para sakin). Well eto na yung sinasabi ko kanina na mga mababait at maalaga sakin mga Varrons. Aba nung nagfinals na, parang naging mga halimaw sa ungguyan. Di ko na alam kung ano yung mga kinain ko at ininom, basta’t sinabing inom, iinumin ko, pag sinabing kain, kakainin ko. Pero natapos naman ang finals at nairaos, masaya at mahirap pero masasabi ko na isa sa mga di ko makakalimiutan sa time ko sa elbi, maraming mga bloopers at katatawanan din.
(Eto na yung gusto ko) Pagtapos ng finals, balik sa UP, eto na, mayroon na kong dugong varrons. Pakiramdam ko ngayon nadagdagan ang tiwala ko sa sarili. Napakarami kong natutunan sa mahal nating Varrons. Dito ko natutunan kung paano maging maabilidad at mas matalino. Dito ko naramdaman na may pangalawa akong pamilya sa loob ng UP, may pangalawa akong tahanan. Dito rin nahubog ang mga kakayahan at talento ko. Nakilala ko si Kiko Faulve (field reporter na nga pala siya ngayon ng ABS-CBN) na mahilig sa mga teatro at sayaw. Minsan, sumali ang Varrons sa interpretative dance competition at siya ang nagturo. Di ako marunong ng mga ganitong sayaw, pero akalain mo nanalo pa rin kami. Astig di ba? Tanda ninyo ba kung sino yung sa mga kasali sa sayaw na yun?
Nakilala ko rin si Vrod Jessie at Vrod Joseph na mahilig sa musika. Lagi ko sila kajamming sa tambayan at isa na rin ako sa mga kumakanta pag may program ang Varrons, isang pagkakataon na binigay nila sakin upang mas tumaas pa tiwala ko sa sarili ko. Kami rin ang namumuno sa caroling tuwing December. Naalala ko tuloy yung mga nakakatawa at masasayang caroling namin. Npakababait ng mga alumni, kahit medyo masakit sa tenga yung mga kanta namin na tipong nakakabulabog. Aba at ang laki pa ng bigay nila sa amin; karamihan galante talaga. Pakakainin pa kami, saan ka nakakita nun di ba?
Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin
Leave A Comment