From Dearest


Isa sa mga naisulat sa pahina ni Dearest noong dekada ’70
Nagkatha: Anonymous


pasko 1978sa mga nagkikislapang ilaw
at mga nagagandahang kulay
ng mga damit ng mga manikin,

sa mga nagdudumaling tao
at naghihiyawang mga batang
may dalang mansanas at laruan,

sa mga nasisigawang sidewalk vendor
at mga nag-iingayang tugtog
na nagmumula sa mga tindahang
punong-puno ng palamuti’t paninda,

ay may mga bata
na ang mga mata’y nagdudumilat
sa mga estanteng namumutok
sa dami ng pagkaing
ginagawang palamuti,
na ang mga paa’y namamaga
sa maghapong paggala,
na ang mga damit ay
naglilimahid sa dumi
at natuyong pawis;

may mga taong ang mga tiyan
ay manhid na sa gutom
sa maghapong paghuhukay
sa basura’t putikang estero;

may mga taong bundat na di inda
ang mga taong natutulog ng hubad
samantalang ang lamig ay nanunuot
sa kanilang kalamnan at buto;

at
may mga taong nakikipagtunggali
sa mga kanugnog
upang bigyan ng daan
ang magandang bukas –
kung saan ang buhay
ng mga nagdudumilat,
ng mga taong hubad,
at ng mga patay-gutom,
ay gagawing awit
at hindi hikbi.

Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin