Kinatha ni Emerson “Emer” Jacinto (ESQ ’80)
Septiembre 7, 2009


Emer Jacinto

Emer (1962-2011)

Matagal siyang nalumbay,
Naghihintay na may umagapay,
Matapos ang walong taon,
Nabigyan din ng pagkakataon.

Masaya nguni’t may pagseselos,
Subalit pagmamahal nya’y ibinuhos,
Sa kapatid na malaking bulas,
Kahit sa pagkakarga’y halos madulas.

Modelo si Kuya sa isip at gawa,
Kahit ang paslit ay mukhang kawawa,
Hindi alintala kahit siya’y iniwanan,
Basta kapiling si Kuyang makatwiran.

Magkatabi’t magkayakap na tulog sa magdamag,
Kahit sa paggising di agad agad,
Nagbubuskahan kung ano ang dapat
Sa bandang huli sila pala’y magkatulad.

Nagsikap mag-aral kahit na magkalayo,
Dahil pangarap dun din tutungo,
Minsan lang magkita, halos mag iwasan,
Pagkataon pala’y sila rin pala ang magkasama.

Parehong umibig na maging masaya,
Dumating ang panahon hindi pala sila,
Sa kanilang damdamin iisa lang ang hiling,
Sa bandang huli sila rin ang magkapiling.

Tadhana’y nagguhit sa dalawang magkapisan,
Sa puso ng isa na di nais lumisan.
Tadhana’y pinaglayo sa galaw ng buhay,
Magkadaop pusod sa tunay na kulay.

Ganito ako sa iyong paglisan,
Di man lang nasulyapan ang aking kasuotan,
Luhay ko’y pumapatak,
Sa dibdib mo ay tumatatak.

Kahit wala ka na sa aking paningin,
Alaala mo sa diwa ko’y nagniningning.
Magkalayo man sa edad at pinagdaanan,
Parehas ang mga diwang hinahalaman.

Kapatid sa isip, gawi at pag-ibig,
Di malilimot yakap mong pakabig,
Magkaibang sadya ang mga nagawa,
Magkapatid tayo sa iisang diwa.