Ryan Paradero

Ryan

Ang mga sumusunod na tula ay kinatha ni Ryan Paradero (SWC ’00) para sa pagdiriwang ng ikalimampung anibersaryo ng UP Varrons Forestry Chapter sa darating na Enero 2017.

Maliban sa tulang ito, si Ryan ay kumatna ng ibang tula at musika. Paki-click lamang ang link na ito para mabasa ang kanyang ibang kathain.


Hindi napansin ng aking mga mata
Isang iglap, limampung taon na pala
Parang kailan lamang ng magsimula
Mga ala-ala sariwa pa sa’king diwa

Iilan lang ng kami ay magsimula
Katangian namin ay magkakaiba
Ibat-iba rin aming diwa at ganap
Ngunit nabuo ang iisang pangarap

Iilan lang kami ng aming pasimulan
Ang adhikaing gusto naming makamtan
Makataong pamumuhay na aming mithi
Sa mga puso at isip aming inihabi

Noon at ngayon iisa ang adhikain
Makataong pamumuhay ating pairalin
Noon at ngayon iisa ang hangarin
Makataong pamumuhay isabuhay natin

Kahit naluma man aming mga anino
Sariwa pa rin adhikain ng grupo
Kahit naluma man kami ng panahon
handa pa rin sa kahit anong hamon

Para sa aming mga bagong kasama
Kami ay mayroong mahalagang paalala
Adhikain natin, ipagpatuloy pa sana
Ating organisasyon mas ipakilala pa

Sa nakalipas na limampung taon
Bawat mga hamon tayo’y may tugon
sa nakalipas na limampung taon
Tuloy tuloy tayo sa pagsulong

Noon at ngayon iisa ang adhikain
Makataong pamumuhay ating pairalin
Noon at ngayon iisa ang hangarin
Makataong pamumuhay isabuhay natin

Unang Limampu atin ngang narating
Limampung taon na nagbuklod sa atin
Unang Limampu na busog ng pag-asa
Maging inspirasyon sana ng bawat isa

Bawat isa sa atin, luma man o bago
Dapat nating isipin iisa lang tayo
Magkakaiba ngunit may iisang diwa
Magkakaiba ngunit may isang panata

Hindi napansin ng aking mga mata
Isang iglap, limampung taon na pala
May kung anong ligaya akong nadama
Mahal na organisasyon ay matatag pa

Noon at ngayon iisa ang adhikain
Makataong pamumuhay ating pairalin
Noon at ngayon iisa ang hangarin
Makataong pamumuhay isabuhay natin

Tayo ay Varrons, sa nakaraang limampu,

sa darating na limampu at sa susunod

mga mga limampu.

Mabuhay tayong lahat!
Ad Astra Per Aspera!

Last Updated on October 29, 2016 by Tudla_Admin