Katha ni Tans de Guzman (Humane Batch ’74)
Enero 5, 2012, FB Notes


Bayolenteng BuhayPasalamat ka sa tv patrol at napapanood mo
Ng ‘live and in living color’ ang bayolenteng buhay ng pinoy.

Sinong mag-aakalang sa isang sulok
Ng malamig at sikat na mall maghahalo
Ang dugong pinawalan ng selos
Ng balang kumitil sa dalawang binatilyong buhay?

Isang balang bumutas sa dibdib ng kalaguyo
Isang bala ring itinutok sa sariling sintido:
Musmos lang ang gulung-gulong isipan
Hindi ang nagpupuyong hinanakit sa katipan

Ilang araw ding nilapa ng mamamayan
Ang balita ng tv patrol
Pinagdebatihan kung alin ang mas nakagigimbal:
Ang estado ng kabataan
O ang parehong kasarian?

Kinitil din ang isang murang buhay
Sa isang magarang mansyon
Tulad ng inaasahan, naroon din ang tv patrol
Hindi kinaya ng anting-anting ng artistang ama
Na sanggahan ang bilis ng bala
Na pinawalan ng kapatid sa kapatid
Sa isang kisapmata.

Lumang tugtugin na;
Naikuwento na noong panahon ni adan
Selos din ang dahilan, pero hindi sa pag-ibig
Kundi sa perang partihan.

Sa pagitan ng makitid na kanal nakaipit
Ang walang buhay ng amang matagal nang
Nawalay sa anak na
Pagbirit naman sa youtube sumikat.

Sa kamera ng tv patrol
Hindi lang ang dungis ng paa ang kita sa bangkay
Nasilip rin ang dalamhati ng anak na nag-alay
Ng isang malamyos na awit sa burol
Habang luha’y walang patid sa pagdaloy.

Buti na lang pagkatapos ng tv patrol
May ilang araw pa si ana
Sa kanyang ‘100 days to heaven’.
Paano mapapatawad ni sofia ang
Inang nag-iwan sa kanya?
Higit na malalim ang sugat na hiniwa
Ng paglisan kaysa sa dahas
Ng kahirapang sinuong mag-isa sa buhay

Sa huli nakaakyat din si ana sa langit
Matapos burahin ng pagmamahal
Ang pilat ng nakaraan.

Sana’y isang telenovela na lang
Ang bayolenteng buhay ng pinoy.

Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin