Jimson Solatre

Jimson

Ibinahagi ni Jimson Solatre (Youth of Liberty ’89)

Sa aking paghahanap ng damit ay nahalungkat ko itong mga luma kong Varrons shirts. Mga luma na ang mga ito at matagal tagal na rin ang aming mga pinagsamahan. Noong ako’y undergrad, bukod sa sipol at istilo ng shakehand, ang pagsuot ng Varron’s shirt ay isa sa mga pinakamadaling tanda para sa pagkakakilanlan ng isang Varron. Di ko na mabilang kung ilang Varron’s shirt designs ang naisuot ko sa loob ng mahigit tatlong dekada ko sa organisasyon. Pero ang alam ko, ang bawat disenyo ay naglalarawan ng mga kaganapan sa organisasyon at nakabatay sa pinakamahusay na pagpapasya sa hanay ng mga pinagpiliang mga disenyo. Ngunit sa bawat disenyo, ang laging katangi-tanging di nagmamaliw ay ang kulay puti at bughaw at ang logo ng UPVL. At ang pagsuot nito ay isang karangalan na makilala ka sa buong Pamantasan. Varrons T-shirts

At tulad ng ating Varron’s shirt, ang ating organisasyon, sa kanyang pag-usad at pagsulong sa nakalipas na mahigit anim na dekada ay patuloy ding nagbabago nang naaayon sa pangangailangan at hamon ng panahon. Naluluma ang mga Varron’s shirt at nagkakaisip tayo ng mas magagandang disenyo. Ganun din ang takbo ng organisasyon, patuloy din itong nahuhulma upang umayon sa agos ng panahon at manatiling may saysay sa paggampan ng kanyang adhikain, ang maisulong at maipalaganap ang makataong pamumuhay, na syang saligan ng kanyang pagkakatatag.

Ano naman ang kwento nyo?

Last Updated on August 24, 2023 by Tudla_Admin