Si Larlyn Faith Aggabao (Xiane ’06) ay nahalal bilang chaiperson ng student council ng UP Los Baños College of Forestry and Natural Resources. Siya ay dumalo sa pulong ng mga kapwa lider estudyante sa Davao City, Philippines noong Abril 2-5, 2011.
Ang paghahangad na pagsilbihan ang mamamayan maging sa pamantasan man yan o sa komunidad ay manipestasyon lamang ng pagiging mulat natin sa kalagayan ng ating kapwa. Ito ay isang mahalagang aral na ibinigay sa akin ng UP Varrons Ltd. Ang pagpasok ko sa organisasyong ito ang nagbukas sa akin ng maraming pinto ng oportunidad — naging daan sa mas maraming pag-aaral at higit sa lahat, sa tagumpay. Naniniwala akong ang mabuting adhikain nating makapagsilbi sa ating kapwa ang siyang nagbunsod sa akin na mas pagbutihin pa ang aking pag-aaral sa lipunan.
Malaking parte ang ginampanan ng konseho ng mag-aaral sa paghubog sa akin na maging isang lider estudyante. Taong 2008 pa lamang noong ako’y nag-umpisang makibahagi sa mga gawain ng konseho. Masikhay akong dumalo sa mga pag-aaral, treynings, at workshops. Ang kasiyahan na aking nararamdaman sa tuwing ako’y may natatapos na gawain o di kaya’y may bagong kaalaman na napupulot ang nagbibigay inspirasyon sa akin na ipagpatuloy ito. Ang konseho ang nagmulat sa akin na ang pagkatuto ay hindi lamang nakukulong sa silid-aralan kundi sa labas kung saan ang iba pang sektor ng lipunan ay mas mapag-aaralan. Katulad ni Vrod Emer Jacinto (†), na walang sawang nagsilbi sa masa, ganun na lamang din ang pagmamalasakit ko sa sektor ng magsasaka, manggagawa, at ng mga katutubo.
Ang pagkapanalo ko bilang CFNR Student Chairperson noong nakaraang USC-CSC Elections ay itinuturing kong isang malaking tagumpay sapagkat ito na ang pagkakataon kong higit pang mapagsilbihan ang mga kapwa ko mag-aaral. Isang pagkakataong maisapraktika ko ang mga teoryang napag-aaralan ko sa apat na sulok ng silid-aralan. Tungkulin kong paigtingin ang ugnayan ng mag-aaral at administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Los Banos, maging isang tunay na representante ng mga mag-aaral, at maging daan upang ang mga mag-aaral ay maging mulat sa isyu ng pamantasan at ng lipunan. Ito ay ilan lamang sa mga gampanin ng konseho. Kasama rin sa pagiging miyembro nito ay ang pakikipag ugnayan sa mga konseho sa iba’t-ibang UP kampus sa pamamagitan ng pagdalo sa Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KSUP) National Council Meet at General Assembly of Student Councils (GASC).
Ang KSUP ay ang pinakamalawak na alyansa ng mga konseho ng mag-aaral sa buong UP system na matatag sa pangakong mas paigtingin pa ang pagkakaisa ng mga konseho ng mag-aaral sa UP. Ito ang tanging tagapagtanggol sa tunay na representasyon ng mga mag-aaral sa UP. Ang GASC sa kabilang banda ay ang asembleya ng lahat ng mga konseho sa iba’t-ibang kampus ng UP na nangangalaga sa pagpili ng Rehente ng Mag-aaral sa UP. Ang dalawang malakihang aktibidad na ito ang siyang bunga ng malagom na pag-aaral sa ating lipunan.
Isa ako sa mga mapalad na mabigyan ng pagkakataong makapunta sa UP Mindanao – Mintal, Davao City noong April 2-5, 2011 kung saan naganap ang KSUP at GASC. Kasama ang iba pang konseho mula UPLB at sa iba pang UP kampus, sabay-sabay kaming natuto, kritikal na nag-analisa at nagbahagi ng mga ideya at saloobin. Sa unang dalawang araw naganap ang KSUP National Council Meet kung saan nagkaroon ng mga diskusyon patungkol sa mga isyung pang-pamantasan (tuition fee increase, large lecture class policy, dorm fee increase, campus repression at militarization) at nasyonal (oil price hike, education budget cut, imprisonment of progressive student leaders, at iba pa). Mayroon ding mga unit reports kung saan ang bawat UP campus ay nagbigay ng pangkalahatang ideya sa mga isyung kinaharap o kinakaharap ng kanilang campus. Kasama rito ang mga hakbang na kanilang ginawa upang matugunan ang mga ito. Hindi nagkakaiba ang kalagayan ng iba’t ibang mga kampus sa UP. Bilang mga lider estudyante, tungkulin naming tugunan ang mga ito kung kaya’t sabay sabay naming pinag-aaralan ang mga detalye patungkol dito. Higit sa lahat nagkakaisang maglatag ng kaukulang tugon sa mga ito.
Sa huling dalawang araw, naganap naman ang pagpili sa magiging bagong Rehente ng mga Mag-aaral (Student Regent Selection) kung saan ang mga pinal na mga nominado sa pagiging Rehente ay nagpakilala at inihayag ang kani-kanilang plata porma. Ang Rehente ng Mag-aaral ang siyang tanging representante ng mga mag-aaral sa Board of Regents o ang highest policy-making body sa buong UP. Malaking hamon ang ibinigay sa aming mga miyembro ng konseho na ihalal ang Rehenteng magsisilbi sa interes ng sangkaestudyantehan at hinding-hindi ikokompromiso ang mga ito. Natapos ang kongres ng paghahalal kay Ms. Krissy Conti mula sa UP Law Student Government bilang bagong Rehente ng Mag-aaral. Muling idineklarang tagumpay ang nasabing aktibidad.
Sa loob ng apat na araw kong pamamalagi doon kasama ang mga kapwa ko lider estudyante, mas tumibay ang kagustuhan kong pagsilbihan ang buong sangkaestudyantehan ng UPLB kasama na rito ang mga mamamayan mula sa iba’t-ibang sector ng lipunan. Ang pagpunta ko sa UP Mindanao ay isang malaking oportunidad upang mas mapalawak ang aking kaalaman kung paano ko mas mapapabuti ang aking pagsisilbi sa mga mag-aaral mula sa mga discussions hanggang sa pakikipag-uganayan sa mga miyembro ng konseho sa ibang mga UP kampus.
Bilang isang baguhan sa konseho ng mag-aaral, kinakailangan ko ng sapat ng kaalaman upang mas maging matatag at matunog ang CFNR SC sa buong kolehiyo pati na rin sa buong unibersidad. Kung kaya’t ang aking mga natutunan sa aking pagpunta ng KSUP NC Meet at GASC ay ibabahagi ko sa aking mga kasama sa CFNR SC upang makapag bigay inspirasyon at motibasyon na tugunan ang bawat gawain.
Tinatanaw kong utang na loob ang pagbigay ng tulong ng mga miyembro at alumni ng UP Varrons Ltd. Asahan ninyo na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang magampanan ang aking responsibilidad ng may kahusayan. Ibabahagi ko rin ang lahat ng aking natutunan sa mga miyembro ng organisasyon ng sa gayon ay manatili sa atin ang tunay na essnsya ng pagiging isang Varron.
Pagsilbihan ang mamamayan!
Ad Astra Per Aspera
Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin
Leave A Comment