ni Janis Ian Samiano (Dynamic Duo ’04)
. . . Mayo 2004 Election . . . Aktibo akong kasapi ng Parish Youth Ministry.Naghahanap ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) – NAMFREL ng mga volunteers para saQuick Count . . .
. . . Eto, lahat pwede mong maramdaman sa buong buhay mo, mararamdaman mo lang sa loob ng isang araw. 6 AM ang call time ng lahat ng volunteers. Ang role namin: poll watchers hanggang matapos ang botohan. Pero non partisan kami. Ibig sabihin, wala kaming partio . . . hindi biased. Pero pakiramdam namin, parang na-molestya kami dahil sa pagod, antok, at init. Samahan pa ng mga ibinabatong sisi ng mga botanteng naliligaw at hindi mahanap ang pangalan sa list of voters. Ang bukambibig naming malimit: “Eh sir/mam, sa amin lang po ibinilin ang listahan ng mga botante. Hindi po kami ang gumawa nito, huwag po kayong magalit sa amin . . .” Halos alas-singko na ng hapon ng maubos ang mga botante. Akala namin ay tapos na, pero simula pa lang pala ng laban. Mas mabigat na trabaho. 7 PM ang call time ng mga Text Brigade. Dual function kami: poll watchers at taga-bilang “ulit” ng mga botong nakuha ng mga kandidato, at taga-send ng resulta ng election dito sa Los Baños na ipapadala sa main headquarters ng mga Texters sa Greenhills. Ayos ang HQ namin dito sa LB, sa St. Therese Chapel. Simbahan ang nagsilbing headquarters, mas safe nga naman, pero, pakiramdam ko, buong buhay namin ang nakasalalay noon. Anomang oras ay puwedeng may pumasok na intruders at kukunin ng sapilitan ang mga ballot boxes at mga 6th copy of election return,sabay igagapos kami, bubuhusan ng gas, saka sisindihan. Malamang sasabihin mo, “Exaaaaggg”, pero maiisip mo na kung sa ibang lugar ay may nangyayaring ganito, malamang maaari ding mangyar dito. At katumbas ng ginto ang hawak namin, mga boto ito ng mga tao, kinabukasan nila, kinabukasan ko, kinabukasan mo, at kinabukasan nating lahat. Dual function, dual pagod. Bukod sa tension at kaba, susot din dahil na-hack ang system. Imbes na mapadali lahat, naging mano-mano ang paglilista ng total votes ng bawat kandidato. Masakit sa mata, masakit sa kamay. Madali sana kung hindi na-hack, isang pindot lang ng send, tuloy tuloy na hanggang Greenhills. Walang traffic, walang hassle. May konsuwelo din naman, ang 300 na pre-paid card, hindi na binawi. May kasama pang Chowking kina-umagahan.
. . . Mayo 2007 Election . . . Hindi kami gaanong pagod dahil Senatorial Elections lang ito. Pero binalaan kami na magiging madumi din ang botohang ito. Ibayong pag-iingat at pagdarasal ang payo sa aming lahat. Pero, 3 AM na ng makuha naming lahat ang 6th copy of election return bawa’t presinto. Kung dati, may nagre-reklamo kung bakit kami nagkalat at naka-antabay sa likod ng mga nagbabasa ng bot, hindi sila nawala. Dumami pa yata. Hindi nila naisip na hindi kami katulad ng ibang poll watchers na may kani-kaniyang manok. Lahat ng mga kandidato, binabantayan namin ang boto. Dahil simple lang: KAMI AY NON PARTISAN.
. . . Barangay at SK Election 2007 . . . JANIS IAN SAMIANO para KAGAWAD . . . Hindi ko alam kung bakit ako tumakbo. Siguro naghanap ako ng kakaibang trip nung sem-break. Hindi ako handa, kaunti ang campaign materials ko. Ang nagastos namin, mas malaki pa ang baon ko sa isang buwan. Pero the best ang naranasan ko dito. Bukod sa pumayat ako, ay mayroon akong mga nakita at natutunan. Akala ko, sa Maynila lang nage-exist ang mga illegal settlers, pero andito din pala sila sa Los Baños… marami. Maraming kapos palad, maraming walang trabaho, walang makain, at maraming anak. Nakakabagabag. Dahil pag napabayaan ito, pare-pareho tayong talo sa huli. Sa ngayon, kahit hindi ako nanalo, mas tumindi naman ang pagnanais ko na makatulong. Kahit hindi na ako maging kagawad, mayor, o presidente pa. Mali na iasa lang sa kakaunting taong naka-upo ang paglutas sa problema. Lahat tayo dapat kasali.
. . . EH ANO NGAYON? Habang naiisip ko ang mga ginawa ko noong mga nag-daang eleksyon, sulit pala lahat. Sulit ang pagiging civilian ko. Dahil sa pagvo-volunteer, nagkaroon ako ng silbi sa isang pangyayaring napakahalaga sa buong bansa. Sa pangahas kong desisyong tumakbo bilang kagawad, sulit din dahil nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, at mas lumawak pa ang pananaw ko tungkol sa buhay. Siguro kung nanalo ako, mas maipapaliwanag ko ito ng husto. Pero ganun talaga, may mga bagay na mananatiling sikreto hangga’t hindi pa panahon para ito ay malaman ko. Hindi ko rin kasi alam kung tatakbo ulit ako . . .
Last Updated on October 12, 2016 by Tudla_Admin
Leave A Comment